Pagdiriwang sa Pagtatapos ng Buwan ng Wika

Agosto 29, 2025 — Napuno ng diwa ng nasyonalismo at pananampalataya ang gymnasium ng Liceo del Verbo Divino sa makabuluhang pagdiriwang ng pagtatapos ng Buwan ng Wika, na dinaluhan ng buong komunidad ng paaralan.

NEWS

8/29/20251 min read

Bago ang opisyal na pagsisimula ng programa, sinalubong ng LVD Dance Troupe ang mga kalahok sa pamamagitan ng isang masigla at makulay na sayaw, na agad nagpasigla sa buong kapaligiran. Sinundan ito ng seremonya ng pagpugay sa watawat at pagtaas ng kulay, na pinangunahan ng mga miyembro ng Iskawt at CAT (Citizenship Advancement Training), kasabay ng tugtugin ng LVD Band.

Sa simula ng programa, ibinahagi ni Sister M. Andrea B. Tomanda, OSF, ang Punong Guro ng paaralan, ang kanyang pambungad na mensahe. Sa kanyang pananalita, mainit niyang tinanggap ang lahat ng dumalo at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagdiriwang bilang pagpapalalim sa pagpapahalaga sa wikang Filipino at kulturang Pilipino.

Kasunod nito, ginawaran ng parangal ang mga mag-aaral na nagpakita ng husay at galing sa iba’t ibang patimpalak noong nakaraang buwan. Kabilang sa mga pinarangalan ang mga kinatawan mula sa Pre-Elementary, Elementary, Junior High School, at Senior High School Department. Ipinamalas ng mga mag-aaral ang kanilang talento, sipag, at dedikasyon sa bawat larangang kanilang sinalihan.

Matapos ang dalawang bahagi ng paggawad ng parangal, muling sumigla ang entablado sa isang kahanga-hangang pagtatanghal mula sa Grade 11 – Our Lady of Lourdes. Kasunod nito, ipinamalas ng Grade 10 – St. John ang kanilang folk dance performance na nagkamit ng unang pwesto sa katatapos lamang na kompetisyon. Ang kanilang sayaw ay muling tumanggap ng papuri mula sa mga manonood.

Bilang pagtatapos ng programa, ibinigay ni Bb. Gissele P. Ontuca ang pangwakas na mensahe. Sa kanyang pananalita, nagpaabot siya ng pasasalamat sa lahat ng naging bahagi ng matagumpay na selebrasyon, at pinasalamatan ang mga mag-aaral, guro, at kawani sa kanilang aktibong pakikilahok.

Isinulat ni: Yhanny Camposano

Larawan nina: Dixie Niemes, Yza Garvez, Ar Silagan